P35 bilyon maaaring kitain sa turismo sa ilalim ng infrastructure projects ng TIEZA

Tinatayang aabot sa P35 billion ang maaaring ma-generate at kitain para sa turismo sa ilalim ng P10 billion na infrastructure projects ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), ang infrastructure arm ng Department of Tourism (DOT).

Ayon kay Deputy Speaker LRay Villafuerte, aabot sa P35 billion ang maaaring malikha na economic activity sa sektor ng turismo at libu-libong hanapbuhay para sa mga displaced workers ngayong pandemic.

Salungat aniya sa paniniwala ng ilan na hindi dapat iprayoridad ang tourism industry sa panahon ng pandemya, iginiit ni Villafuerte na makakatulong ang pag-i-invest at pagsasaayos ng mga paliparan, lansangan at iba pang pasilidad na may kinalaman sa turismo sa oras na magbukas na muli ang bansa at ang ekonomiya sa mga dayuhan at sa mga counterparts na bansa sa ASEAN.


Iginiit ng kongresista na dapat samantalahin ngayon na hindi pa fully-operational ang mga tourism destinations para madaliin ang pagtatayo ng mga tourism infra projects.

Dinepensahan naman ni Good Government and Public Accountability Chairman Jose Antonio Sy-Alvarado ang P10 billion na infrastructure projects sa ilalim ng TIEZA at iginiit na sa ilalim ng inaprubahang Bayanihan 2 ay mayroon ding hiwalay na pondo sa DOT na para naman sa assistance sa mga negosyo at mga empleyado sa tourism sector.

Naglaan aniya ng P51 billion sa mga government financial institutions na para lamang sa credit at loan programs sa tourism stakeholders katulad ng mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) at iba pang small-scale tourism oriented enterprises sa bansa.

Facebook Comments