Dismayado ang ilang mga grupo ng manggagawa sa ipinatupad sa P35 na dagdag sa sahod ng mga minimum wage earner sa National Capital Region.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Federation of Free Workers (FFW) President Atty. Sonny Matula na kulang na kulang ang P35 kumpara sa panukala nilang P150 na umento sa sahod.
“Masyadong malayo eh, 23% lang ito sa 150 pesos kaya parang insufficient talaga at kulang na kulang, kaya ito ay nakapagpasigla sa ating mga manggagawa na na i-pursue talaga ‘yung national minimum wage na 150 pesos na nakabinbin ngayon sa House of Representatives.”
Samantala, ipinaliwanag naman ni Matula na epektibo lamang ang P35 na increase sa mga negosyo na mayroong lagpas sa sampung manggagawa partikular sa sumasahod ng kasalukuyang minimum wage na P610 kada araw.
Nilinaw rin ni Matula na posibleng madagdagan ang sweldo ng mga empleyadong sumasahod ng lagpas sa minimum wage lalo na kung kailangang mapanatili ang pagkakaiba ng sahod base sa seniority ng mga manggagawa sa isang kompanya.
“Kung may mga manggagawa na kasama siya diyan sa opisina ninyo na 610 pesos lamang ang sahod at nadagdagan ito ng 35, ay maaaring madagdagan pa rin kasi may wage distortion. May formula ‘yan na ina-adopt ‘yung Department of Labor kasi nadidistort po ‘yung lebel, kasi ‘yung sa’ming opisina kasi may hierarchy of wages kaya nababago po ‘yung gap niya kaya hindi naman maaaring ‘yung baba lang ang iyong bibigyan ng sahod, so maaapektuhan din ‘yung nasa taas pero a certain percentage according to the result of the formula.”