P370 billion, kakailanganin ng gobyerno para sa pagbangon ng mga negosyo at job preservation

Pinaglalaan ni Marikina Representative Stella Quimbo ang pamahalaan ng P370 Billion fiscal stimulus package para sa pagtugon sa epekto ng ekonomiya ng COVID-19.

Giit ni Quimbo, mahalagang matulungan at matiyak ng gobyerno ang pagpapatuloy ng mga negosyo at job preservation partikular sa sektor ng tourism na may 6.5 million private workers at trade industry na may 494,679 workers.

Paliwanag ng economist-solon, hahatiin ang P370 Billion sa mga sumusunod; wage subsidies sa mga non-essential sector o iyong mga tumigil sa trabaho dahil sa quarantine; loan guarantees para sa mga malalaki at maliliit na kumpanya; grants para masuportahan ang business relisience; at kompensasyon para sa paid-sick leaves ng mga COVID-19 patients.


Tinukoy pa ni Quimbo na para matiyak ang pagpapatuloy ng mga negosyo lalo na ang mga nasa MSMEs ay kailangan ang pagbibigay ng kompensasyon habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine, capacity building para makabawi ang mga negosyante, zero interest loans at pagkakaloob ng proportional o nararapat lamang na assistance.

Binanggit pa ng lady solon na higit na maaapektuhan ng COVID-19 ang mga micro-small and medium enterprises at ang mga empleyado nito kaya dapat na tulungan ito ng gobyerno upang maiwasan ang pagkawala ng trabaho pagkatapos ng krisis.

Aabot sa 22.94 million ang bilang ng mga manggagawa, employers at small business owners na pinangangambahang maapektuhan ng layoff kung hindi ito magagawan ng paraan agad ng gobyerno.

Sa mga negosyo naman, 746,980 ang kabilang sa formal MSMEs habang 4.5 Million naman ang kabilang sa informal MSMEs ang nagsara dahil sa COVID-19.

Inirerekomenda din ni Quimbo na maturuan ng ‘new normal’ o bagong pamamaraan ng pagnenegosyo ang mga MSMEs upang kahit tapos na ang krisis ay unti-unti makakabangon ang mga negosyo.

Kabilang sa ituturong paraan sa mga MSMEs ay pagdevelop ng website para sa online selling, pagkakaroon ng makabagong payment system, logistics at iba pa.

Facebook Comments