P38-billion recovery assistance package para sa mga guro at estudyante, aprubado na sa komite; Pondo na pagkukunan dito, malaking hamon para sa DBM

Pasado na sa Defeat COVID-19 Committee-New Normal Cluster ang P38-billion recovery assistance package para sa mga guro at estudyante sa higher education institutions at technical-vocational institutions na apektado ng COVID-19 pandemic.

Sa ilalim ng House Bill 6706 ni Baguio City Representative Mark Go, magbibigay ito ng tulong sa mga guro at estudyante para maituloy ang flexible at blended learning na itinutulak ngayon ng Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Kabilang sa tulong ang 0% loan para sa mga guro at mga estudyante para pambili ng gadgets tulad ng laptop at tablet na gagamitin sa pag-aaral, ilan pang kagamitan sa pagtuturo, pagpapalakas ng internet connectivity, pagsasanay sa digital teaching at iba pa.


Sa kabilang banda, malaking hamon naman para sa Department of Budget and Management (DBM) ang pagkukunan ng pondo para sa panukala.

Ayon kay DBM Director Grace Delos Santos, hindi na maaaring maglabas pa ng supplemental budget ang pamahalaan dahil halos lahat na ng pondo ay nakatuon na sa COVID-19 response.

Sa katunayan ay nagpalabas ang DBM ng memorandum circular kung saan nakasaad na 35% ng mga hindi na-i-release na Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga ahensya ay hindi ire-realign sa pagtugon sa COVID-19.

Facebook Comments