P4.1-B na tinapyas na budget sa free higher education, ipinababalik ng isang senador

Isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian na maibalik sa 2024 budget ng mga State Universities and Colleges (SUCs) ang tinapyas na P4.1-B para sa free higher education program.

Sa ginanap na pagdinig sa budget ng Commission on Higher Education (CHED) at SUCs, sinabi ni Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) President Dr. Tirso Ronquillo na mula sa proposed budget nila na P25.8 billion para sa Program of Receipts and Expenditures, aabot lamang sa P21.6-B ang inaprubahan na pondo para sa free higher education sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).

Ayon kay Ronquillo, humarap din sila sa parehong kakulangan sa budget kung saan noong 2022 ay nasa P2.8-B ang kanilang deficiency habang ngayong 2023 aabot naman sa P4.2-B ang tinapyas sa programa.


Giit dito ni Gatchalian, dahil kulang ang pondo para sa libreng kolehiyo at maaapektuhan nito ang cash flow sa mga SUCs, ibig sabihin hindi makakapaginvest ang mga paaralan sa mga laboratoryo sa klasrum at iba pang pasilidad.

Sa madaling salita aniya, hindi maibibigay ng mga SUCs ang kinakailangang de kalidad na edukasyon sa mga magaaral.

Nangako si Gatchalian na gagawa ng paraan para mapunan ang kinakailangan pang dagdag na pondo sa free higher education.

Facebook Comments