Alaminos City, Pangasinan – Kahon kahong pekeng sigarilyo ang nasabat ng National Bureau of Investigation o NBI matapos maisagawa ang operasyon sa Alaminos City, Pangasinan.
Natuntun ng NBI ang isang bodega sa bahagi ng Sitio Pandayan, Barangay Poblacion na kung saan nahuli ang mag asawang sina Elpidio Mendoza at si Gemma Mendoza.
Itinimre umano ang bentahan ng iligal na sigarilyo na agad namang sinalakay ng awtoridad at ito ay orihinal na nagmula sa bansang Thailand na napag-alamang ipinuslit lamang ito sa loob ng bansa na walang binabayarang buwis.
Saad ng dalawa na hindi sila ang mastermind nito ngunit inamin ng dalawa na ito ay galing sa Thailand at ibinenta lamang sa kanila ng isang trader mula naman sa Metro Manila. Tinataya namang aabot sa 4.5 million pesos ang halaga ng smuggled na sigarilyo at umabot sa higit P2-milyong buwis ang hindi nabayaran sa Pilipinas.
Dinala naman sa BIR Calasiao ang truck na naglalaman ng sigarilyo upang malaman ang kabuuang halaga ng danyos habang ang mga suspek ay sumailalim pa rin sa imbestigasyon ng NBI. Ang naturang bodega ay minanmanam na rin noong December 2020. Ibinebenta din ang iligal na sigarilyo ng may discount.