Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang National Expenditure Program (NEP) na P4.506 Trillion budget para sa fiscal year 2021.
Isinagawa ng Pangulo ang pag-apruba sa special meeting nito sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) noong July 30.
Ang nasabing pondo ay 9.9 percent na mas mataas kumpara sa budget ngayong taon at katumbas ng 21.8 percent ng Gross Domestic Product (GDP).
Layon ng proposed fiscal year 2021 budget na tugunan ang mga hakbang ng gobyerno sa paglaban sa COVID-19 pandemic at upang mapabuti ang healthcare system ng bansa.
Nais din ng pamahalaan na matiyak ang food security, mapalago ang pagnenegosyo sa mga public at digital infrastructure at tulungan ang komunidad na makasabay at makaahon sa nararanasang hirap ngayon alinsunod sa temang, “Reset, Rebound and Recover: Investing for Resiliency and Sustainability”.
Tiniyak naman ng pamahalaan na bawat piso sa panukalang pondo ay dumaan sa maraming pagdinig at konsultasyon.
Samantala, kasunod ng pag-apruba ni Pangulong Duterte sa proposed 2021 national budget, isasapinal na ng DBM ang kopya at iba pang budget documents para maisumite sa Kongreso bago ang 30-day constitutional deadline.
Ang nasabing panukalang pambansang pondo ay dadaan pa sa pagbusisi at pagapruba ng Kamara at Senado bago ito tuluyang aprubahan ni Pangulong Duterte.