Aabot sa P4 na milyong halaga ng sigarilyo ang nasabat ng Bureau of Customs-Port of NAIA (BOC-NAIA).
Ang nasabing mga sigarilyo ay galing sa isang lokal na kompanya mula sa Novaliches, Quezon City na ipapadala sana sa Australia.
Una itong idineklara bilang mga paper hand towel pero sa isinagawang eksaminasyon, dito na nadiskubre ang nasa 2,520 reams ng sigarilyo.
Agad itong kinumpiska ng mga tauhan ng Customs kung saan ang nasabing kaso ay hawak na ng Bureau Action Team Against Smugglers (BATAS).
Ito’y para matukoy ang nasa likod ng iligal na gawain at mapanagot ang mga ito sa batas.
Muling iginiit ng BOC-NAIA na hindi na maaaring makalusot ang ganitong uri ng iligal na gawain sa ilalim na rin ng mahigpit na direktiba ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.