Tuloy ang crackdown ng Philippine National Police Criminal and Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban sa mga iligal na pagbebenta ng COVID-19 test kits.
Ayon kay CIDG Director Police Major General Albert Ferro, aabot sa P4 milyong halaga ng hindi otorisadong COVID-19 rapid test kit ang kanilang nasabat sa Barangay Don Bosco, Parañaque City.
Habang naaresto naman ang tatlong indibidwal na kinilalang sina Ace Dimapilis, Charisse Purino at Aldin Bacaran.
Ayon kay Ferro, nakatanggap sila ng ulat na nagbebenta online ang mga suspek para makakuha ng mga customer gamit ang iligal na website.
Kaya naman rumesponde sila at ikinasa ang entrapment operation kamakalawa kung saan nagpanggap na buyer ang kanilang mga pulis at nang maganap na ang transaksyon ay saka sila inaresto.
Sa ngayon ay nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009.