Para kay ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, hindi sapat ang P40 daily wage increase ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Paliwanag ni Tulfo, hindi matatapatan ng nabanggit na increase ang mataas na pamumuhay o “high cost of living” ngayon sa Metro Manila.
Gayunpaman, sinabi ni Tulfo na marahil ay tiningnan din ng National Wage Board (NWB) kung hanggang magkano lang ang umento sa sahod na kayang ibigay ng mga employer dahil hindi pa sila lubos na nakakabangon sa pandemya.
Sang-ayon si Tulfo sa hinihingi ng mga labor groups na P150 across the board wage increase, pero kanyang nauunawaan na dapat balansehin din kung kakayanin ito ng mga kumpanya.
Kaugnay nito ay nakikiusap si Tulfo sa sa mga employer na kung kakayanin ay sikapin nilang makapagbigay sa kanilang mga manggagawa ng dagdag na insentibo tulad ng pamasahe o pang-gasolina.
Binanggit din ni Tulfo na kahit-kahit maliit ang dagdag sa sweldo ay nagpapakita pa rin ito na prayoridad din ng Marcos Administration ang kapakanan ng mga manggagawa.