Tinatayang aabot sa P400 bilyon ang nawalang kita ng bansa mula sa international tourist noong 2020.
Kasunod ito ng pagsasara ng border ng bansa dahil sa COVID-19.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, hindi pa kasama rito ang nawalang kita mula sa domestic tourism na aniya’y mas malaki ang ambag sa sektor ng turismo sa Pilipinas.
Una rito, nakapagtala ang Department of Tourism (DOT) ng 83.97% na pagbaba sa tourist arrivals noong nakaraang taon.
Samantala, ayon kay Employers Confederation of the Philippines (ECOP) President Sergio Ortiz-Luis Jr., ilang kompanya sa industriya ng turismo ang posibleng mahirapang makabalik sa pagnenegosyo dahil na rin sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Aniya, marami nang kumpanya ang naiisipang magsara dahil nakikita nilang tatagal pa ang pandemya.
“Number one ‘yung tourism natin as a general ano, ‘yung mga allied industry ng tourism like airlines, ‘yung mga hotel, restaurants, ‘yang mga ‘yan e medyo hirap. Noong una, siguro sinabi nila, kaya naming makalusot sa 2021 pero ngayong nakikita nila na hahaba pa e baka hindi na nila kaya, kaya medyo nag-iisip nang magsara,” ani Ortiz-Luis sa interview ng RMN Manila.