P430 wage hike petition sa Central Visayas, ihahain ngayong araw

Tuloy na tuloy ang hirit na dagdag-sahod ng mga manggagawa kahit na magpatupad ng bigtime rollback sa mga produktong petrolyo bukas.

Ngayong umaga, maghahain ang Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ng P430 na wage hike petition para sa mga minimum wage earner sa Central Visayas.

Ayon kay ALU-TUCP Spokesman Alan Tanjusay, bago pa man ang epekto ng sunod-sunod na taas-presyo sa petrolyo ay dalawang taon nang nakapako sa P404 ang minimum na sahod sa rehiyon.


Pagkatapos sa Central Visayas ay sunod silang maghahain ng wage hike petition sa Davao, Cagayan de Oro City, Zamboanga City, Region 3 at Region 4-A.

Ayon kay Tanjusay, hindi nila mapagsabay-sabay ang paghahain ng petisyon sa lahat ng rehiyon sa bansa dahil kulang sila sa kapasidad.

Una nang humirit ang grupo ng P470 na umento sa sweldo para sa mga manggagawa sa Metro Manila.

Aminado naman si Tanjusay na nababagalan siya sa aksyon ng regional wage board sa naturang petisyon.

Hanggang ngayon kasi ay wala pa silang natatanggap na abiso para sa anumang public consultation para masimulan ang proseso.

Facebook Comments