
Tuloy-tuloy na sa March 31 ang pagpapatupad ng mas mababang Maximum Suggested Retail Price (MSRP) sa imported na bigas.
Mula sa kasalukuyang ₱49 kada kilo ay gagawin na itong ₱45 kada kilo.
Patuloy kasi ang pagbaba ng retail price ng imported na bigas sa merkado mula nang gumulong ang MSRP.
Ayon kay Agriculture Spokesperson Asec. Arnel De Mesa, bago pa man ipatupad ang MSRP na 49 pesos kada kilo ng bigas noong March 1, bumaba na ang presyo ng de-kalidad na bigas mula Vietnam sa 490 US Dollars kada metriko tonelada.
Kinumpirma naman ng Philippine Statistics Authority (PSA) na malaki ang epekto ng itinakdang MSRP para mapababa ang presyo ng bigas base sa 2.1% na inflation ngayong Marso.
Ani De Mesa, masusing pinag-uusapan ang mga itinatakdang presyo ng bigas kasama ang mga rice stakeholders para hindi maapektuhan ang food security.