P460 million na CIF ng Davao City, hiniling na busisiin na rin ng Senado

Hiniling ni Senator Risa Hontiveros na silipin na rin ng Senado ang kwestyunableng confidential at intelligence fund (CIF) ng Davao City government.

Batay sa findings ng Commission on Audit (COA), mula 2019 hanggang 2022 ay aabot sa P460 million ang CIF ng lokal na pamahalaan ng Davao City.

Giit ni Hontiveros, nakakalula ang halos kalahating bilyong confidential funds ng Davao City kada taon na malayo sa CIF ng ibang malalaki at mayayaman na lungsod na wala pa sa P100 million.


Hindi rin maiwasan ng senadora na maikumpara ang napakalaking confidential fund ng Davao City sa ibang national agencies tulad ng Philippine Coast Guard na humaharap sa matinding pambu-bully at pang-aabuso ng China sa West Philippine Sea.

Bukod sa panawagang busisiin na rin ng Mataas na Kapulungan ang kontrobersyal na confidential fund, ilalatag din ni Hontiveros ang isyung ito sa deliberasyon ng 2024 national budget sa plenaryo.

Dagdag pa rito, umapela ang mambabatas na magkaroon din ng malinaw na patakaran at limitasyon ang mga LGU sa paggamit ng confidential at intelligence fund tulad sa national agencies na maaaring maglaan ng CIF para sa pagsusulong ng accountability at transparency.

Facebook Comments