Tuesday, February 17, 2026

P5.6-M na halaga ng marijuana kush, nadiskubre sa apat na abandonadong parcel sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City

Matagumpay na naharang ng Ninoy Aquino International Airport – Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang apat na abandonadong inbound parcels sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.

Idineklara ang parcel na snacks, mga damit, libro, accessories, at kahalintulad na items mula sa Thailand at Canada.

Pero nang buksan ito ng mga awtoridad ay tumambad ang Marijuana Kush na may bigat na 3,776 grams at nagkakahalaga ng P5.6 million.

Nadiskubre ang illegal drugs ng Bureau of Customs (BOC) sa pamamagitan ng cargo X-ray screening at manual inspection.

Agad namang itinurnover ang mga kontrabando sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa inventory.

Tiniyak naman ni Police Brig General Dionisio Bartolome Jr, Director ng Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP – AVSEGROUP), na bagama’t mayroon mga tangkang magpuslit ng iligal na droga gamit ang paliparan pero dahil sa mas pinahigpit na security operations ng mga awtoridad sa paliparan ay hindi makakalusot ang naturang mga kontrabando.

Facebook Comments