P5 bilyon na dagdag pondo para sa OFW repatriation, aprubado na ni Pangulong Duterte ayon sa DOLE

Kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE) na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglalabas ng karagdagang P5 bilyon na gagamitin para sa repatriation at assistance sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang malaking bahagi ng pondo ay ilalaan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na inatasang mamahala sa repatriation ng displaced OFWs.

Sasagutin din ng OWWA ang COVID-19 tests ng mga OFW pagkadating nila sa bansa, maging ang food at accommodation sa mga hotel habang hinihintay ang kanilang test results, at ang transportation pauwi sa kanilang mga lalawigan kapag nagnegatibo sila sa test.


Bukod dito, sinabi ni Bello na nagbibigay ang DOLE ng one-time cash aid sa mga OFW sa ilalim ng Abot Kamay ang Pagtulong o AKAP program.

Ang initial funding sa AKAP program ay nasa P2.5 bilyon, pero sinabi ni Bello na malapit na itong maubos matapos silang makapagbigay ng tulong sa 233,000 land-based at sea-based workers na nagkakahalaga ng P2.388 bilyon.

Humingi sila ng karagdagang P2.5 bilyon na dagdag pondo para patuloy silang makapagbigay ng cash assistance sa 597,000 OFWs.

Mula noong May 15, aabot na sa halos 130,000 OFWs ang nakauwi sa mga probinsya.

Facebook Comments