P50 million na confidential fund ng DA, pinaaalis at pinalilipat sa ibang ahensyang mas nangangailangan nito

Pinatatanggal o pinalilipat ni Senator Raffy Tulfo ang confidential funds ng Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng 2024 budget ng ahensya.

Sa pagdinig ng Senado sa pondo ng DA sa susunod na taon, kinumpirma ni Agriculture Senior Usec. Domingo Panganiban na mayroong ibinigay na alokasyon sa kanila ang budget department na P50 million na confidential fund.

Paliwanag naman ni DA Asec. James Layug, ang ng P50 million confidential fund sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program (NEP) ay gagamitin sa surveillance operation sa mga anti-agricultural smuggling operations.


Pero giit ni Tulfo, naririyan ang Bureau of Customs (BOC) na may confidential funds at ang pangunahing tungkulin ay habulin din ang mga smugglers.

Hirit ni Tulfo sa DA na i-surrender na lang ang confidential fund at ibigay na lamang ito sa mga ahensya na mas nangangailangan tulad ng Philippine Coast Guard (PCG) para magamit sa pagbabantay at pagpapatrolya sa West Philippine Sea o kaya naman ay i-reallocate sa hybrid program ng ahensya para tumaas ang rice production ng bansa.

Magkagayunman, umalis na si Tulfo sa pagdinig nang ipaliwanag ni Layug na mayroon silang mandato na magsagawa ng surveillance, market inspection at pagsusuri sa mga importasyon dahilan kaya mayroon silang confidential fund.

Pinayuhan naman ni Agriculture and Food Committee Chair Senator Cynthia Villar ang DA na maging malikhain at ipaliwanag ng husto kay Sen. Tulfo kung saan gagamitin ang P50 million confidential fund.

Facebook Comments