P5,000 one-time cash grant para sa mga fresh graduates, inihain sa Senado

Isinusulong ni Senator Cynthia Villar na pagkalooban ng ‘one-time cash grant’ ang mga bagong graduates na kanilang magagamit para sa paghahanap at pagsisimula ng trabaho.

Inihain ni Villar ang Senate Bill 2186 kung saan idadagdag sa probisyon ng Republic Act 11261 ang pagbibigay ng P5,000 cash grant sa mga fresh graduates na kanilang magagamit sa job application at job settling-in.

Saklaw ng P5,000 cash grant ang mga bagong nagsipagtapos sa tertiary institution, universities, colleges at training institution.


Para naman makakuha ng nasabing benepisyo ang isang fresh grad, kailangan nitong magsumite sa agency o local government ng kopya ng diploma, certification, at dokumento mula sa academic, vocational o technical institution kung saan ito nagtapos.

Kailangang malinaw na nakalagay doon kung anong petsa ito nakatapos ng pag-aaral o ng kurso at ito ay dapat may lagda mula sa authorized representative ng institusyon.

Ang naturang pagkakaloob ng financial assistance sa mga fresh graduates ay nagpapakita ng commitment ng pamahalaan na mapagaan ang kinakaharap na mga hamon ng mga kabataan sa paghahanap ng trabaho gayundin ang pagsasabuhay na ang estado ay ginagampanan ang pagiging “Parents Patriae” o ang pagiging tagaprotekta at tagasulong ng interes ng mga kabataang Pilipino.

Facebook Comments