Manila, Philippines – Nais ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na magpaliwanag ang Department of Justice (DOJ) kung bakit walang nakasuhang taga-Bureau of Customs (BOC) hinggil sa P6.4 billion na shabu shipment na nasabat sa Valenzuela.
Ayon kay Lacson, kaduda-dudang walang nakasuhan dahil ang BOC naman ang pumipirma para mailabas ang mga nasabing kargamento.
Sinabi rin ni Senator Richard Gordon na pagpapaliwanagin nila si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kaugnay ng nasabing isyu.
Maging si Senator Bam Aquino ay nagtataka sa hindi umano pagkakasangkot ng mga Customs officials sa naturang shabu shipment mula China.
Matatandaan na una nang sumuko na sa National Bureau of Investigation (NBI) si Customs Broker Mark Taguba habang si Eirene Mae Tatad ay nahuli naman sa San Dionisio, Iloilo at dinala na sa Manila.
Si Tatad ang sinasabing may-ari ng EMT Trading na siyang consignee sa mga container na naglalaman ng cylinders ng shabu na idineklarang general merchandise.