Manila, Philippines – Bumuo na ang National Bureau of Investigations (NBI) ng mga team na tutugis sa pitong iba pang akusado sa P6.4-Billion shabu shipment mula sa China, na pina-aaresto ng Manila Regional Trial Court (RTC).
Kasabay ng pagharap sa media ng NBI kay dating Customs fixer Mark Taguba II, sinabi ni NBI Deputy Director for Investigation Services Vicente de Guzman na may mga grupo na silang naatasan para maghanap at mag-aresto sa pitong iba pang mga akusado sa nasabing kaso.
Kabilang dito sina Kenneth Dong, Customs broker Teejay Marcellana, Eirene Mae Tatad, may-ari ng EMT Trading, Manny Li, Chen Min, Jhu Ming Juun at Chen Rong Juan.
Una nang nagpalabas ng arrest warrant ni Judge Reinelda Estacio-Montesa ng Manila RTC matapos mapatunayan na may probable cause ang isinampang kaso ng Department of Justice (DOJ).
Nilinaw naman ng NBI na hindi boluntaryong sumuko si Taguba kundi inaresto ito ng kanilang mga tauhan.