Aabot sa P6 million na halaga ng dried marijuana leaves at marijuana plants ang nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang buy-bust operation sa C6 Service Road, Brgy. New Lower Bicutan, Taguig City.
Nagresulta ito sa pagkaka-aresto ng drug suspect na kinilalang si Fredo Diwan alyas “Waliw”, residente ng Kapangan, Benguet.
Nakumpiska sa arestadong drug suspect ang sari-saring tubular pieces form na binalutan ng packaging tape na naglalaman ng dried marijuana leaves na may timbang na 50 kilograms.
Nasamsam din ang dalawang marijuana plants na may total drug price na P6.4-M, cellphone na gamit sa transaksyon at isang dark green Mitsubishi Delica na gamit sa transportasyon.
Nagawa namang makatakas ng kasama nito na si Agosto Antonio alyas “Darrel” na ngayon ay tinutugis na ng mga otoridad.
Isinailalim sa surveillance ang mga suspek matapos isumbong ng isang impormante ang pagsusuplay ng mga ito ng bulto-bultong marijuana sa southern part ng Metro Manila at kalapit na probinsya.
Patong-patong na kaso ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa laban sa suspek.