P60-B hanggang P80-B na DPWH insertion projects sa 2025 budget, hindi pinarelease ni PBBM —Palasyo

Kinumpirma ng Malacañang na hindi pinarelease ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nasa ₱60 billion hanggang ₱80 billion na pondo para sa ilang infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng 2025 national budget.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang mga proyektong ito ay tinaguriang “insertions” ng Kongreso batay sa ulat ng Department of Budget and Management (DBM).

Paliwanag aniya ng Pangulo, hindi ito akma sa Philippine Development Plan ng kanyang administrasyon kaya hindi niya pinayagang mailabas ang pondo.

Nauna na rin itong kinumpirma ni Finance Secretary Ralph Recto sa budget briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Kamara na hindi kasama sa prayoridad ng administrasyon ang mga proyektong ito.

Matatandaang bago nilagdaan ni PBBM ang 2025 General Appropriations Act (GAA), nagsagawa muna siya ng masusing pagsusuri sa budget.

Sa kanyang SONA, nagbabala rin ang Pangulo na handa niyang i-veto ang 2026 national budget kung hindi ito tugma sa National Expenditure Program.

Facebook Comments