Pinawi ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pangamba ng publiko hinggil sa posibleng P60 hanggang P80 na taas singil sa kuryente pagpasok ng 2023.
Kasunod na rin ito ng posibleng pagkuha ng kuryente ng Meralco sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM na mas mataas ng halos apat na piso kumpara sa kontra nito sa South Premier Power Corporation (SPPC) ng San Miguel Corporation na nasa P4.30 kada kilowatt hour.
Sinuspendi kasi ng SPPC ang kontrata nito sa Meralco na magsuplay ng 12-13% ng kuryente dahilan para magkaroon ng kakulangan sa suplay na nasa 670 megawatts.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni ERC Chairperson Monalisa Dimalanta na posibleng mabago ang nasabing halaga lalo na’t gumagawa na ng paraan ang Meralco upang mapunuan ang nawalang suplay ng SPPC nang hindi naaapektuhan ang mga consumer.
Pagtitiyak ni Dimalanta, tututukan at pag-aaralan nilang mabuti bago aprubahan ang posibleng taas presyo sa singil sa kuryente.
Nabatid na sinuspendi ng subsidiary ng San Miguel ang kanilang kontrata sa Meralco matapos magpasaklolo sa Court of Appeals makaraang hindi payagan ng ERC ang kanilang hirit na dagdag singil sa kuryente.
Dito na nagpalabas ang CA ng Temporary Restraining Order na pabor sa SPPC.
Pero binigyang-diin ni Dimalanta na ang kontrata ng Meralco at SPPC ay fix contract kaya hindi nila ito pinayagan.
Kahapon ay naghain na ng petisyon ang ERC sa pamamagitan ng Solicitor General para hilingin na alisin na ang ipinalabas na TRO na pumapabor sa San Miguel.