Paiimbestigahan ng Makabayan bloc sa Kamara ang napaulat na P67 billion deficiency ng Department of Health (DOH).
Batay sa Commission on Audit (COA), aabot sa P67.3 billion ang nawawalang pondo sa ahensya na dapat sana’y nakalaan para pantugon sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate, ipapasiyasat nila sa House Committee on Good Government and Public Accountability ang hindi tamang paggamit ng DOH sa kanilang pondo.
Giit ni Zarate, ang napakalaking deficiency o kakulangan sa budget ng DOH ay hindi lang basta sa kawalang kakayahan at kapabayaan ni Health Secretary Francisco Duque III kundi ito ay maituturing na “criminal negligence”.
Aniya, marami pa sanang buhay ang natulungan at naisalba kung nagamit lang ng wasto ang nasabing pondo.
Patutsada pa ni Zarate, kung Olympics lamang ito ay namumuro na sa gold medal sa kapalpakan si Duque at ang administrasyon.
Umapela naman sina ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro at Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na papanagutin si Duque sa kaniyang kapabayaan at katiwalian na nagawa pang i-magic ang pondo ng bayan.
Kasabay ng pagsusulong ng imbestigasyon ang nagkakaisang panawagan ng mga miyembro ng Makabayan na mag-resign na si Duque sa lalong madaling panahon.