Isiniwalat ni PhilHealth Senior Vice President for Legal Sector Rodolfo Del Rosario na inaprubahan ng kanilang board ang ₱688 million na late claims kahit labag ito sa batas.
Ito ang testimonya ng PhilHealth official sa Task Force PhilHealth na siyang nag-iimbestiga sa mga iregularidad sa ahensya.
Batay sa testimonya ni Del Rosario, sinabi ni Justice Spokesperson Undersecretary Markk Perete na inaprubahan ng PhilHealth board ang nasabing halaga ng illegal claims matapos mabigyan ng amnesty.
Ang approval ay base sa rekomendasyon ng Legal Sector kasunod ng apelang humihingi ng amnestiya at payagan ang late payment ng claims.
Sa ilalim ng batas na lumikha sa PhilHealth, ang claims ay kailangang ihain sa loob ng 60 araw matapos ma-discharge ang pasyente mula sa ospital.
Nasabon din si Del Rosario sa Task Force sa kung ano ang mga legal na basehan sa pagbibigay ng amnestiya.
Ang normal na proseso para sa mga hospital na humihingi ng payment para sa late claims ay sa pamamagitan ng paghahain ng kaso sa korte.
Nalaman din nila mula kay Del Rosario na mula sa 5,000 cases ng fraud na inirekomendang isampa laban sa iba’t ibang PhilHealth regional offices, tanging 11 lamang ang naihain.
Inaatasan na ng Task Force si Del Rosario na ilabas ang mga records at imbentaryo ng nasa 5,000 kaso.