Cauayan City – Makakatanggap ang lalawigan ng Nueva Vizcaya ng P7.5 milyong pondo mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa pagpapaunlad pa ng lumalagong industriya ng kape sa lalawigan.
Ayon kay DOLE Provincial Director Elizabeth U. Martinez, ang pondong inilaan ay gagamitin para suportahan at mas palakasin pa ang industriya ng kape sa Nueva Vizcaya.
Limang Coffee Farmers Associations mula sa mga bayan ng Ambaguio, Sta. Fe, Kasibu, Kayapa, at Dupax del Sur ang makikinabang dito kung saan ito ay ilalaan para sa pagbili ng mga kinakailangang kagamitan upang mapabuti ang kanilang kakayahang mag-produce ng kape.
Bukod sa suporta sa mga magsasaka, maglalaan din ang DOLE ng pondo para sa 13 coffee shops sa buong lalawigan kung saan bawat coffee shop ay tatanggap ng P250,000 hanggang P300,000, na gagamitin para sa pagsasanay at pagbili ng mga kagamitan upang mapaganda ang kalidad ng kanilang mga produktong kape.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Gobernador Gambito sa suporta ng DOLE sa kanilang lalawigan.