Iminungkahi ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan sa pamahalaan na maglaan ng 7-bilyong piso para gamiting subsidiya sa mga tsuper ng pampublikong transportasyon, mga mangingisda at magsasaka.
Sabi ni Libanan, sa naturang halaga ang P5-B ay para sa public transport drivers habang para naman sa mga mangingisda at magsasaka ang P2-B.
Ayon kay Libanan, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ay kailangan nang matulungan ang mga pampublikong transportasyon kasama ang ride-hailing drivers at delivery service riders.
Para kay Libanan, kailangang pagkalooban ng higit na ayuda ang mga pamilyang tiyak na gagastos kumpara sa mga ahensya ng gobyerno na mahina sa paggamit ng kanilang mga pondo.
Sa ilalim ng proposed 2024 national budget ay P2.5 billion lamang ang nakalaan para sa public transport drivers na idadaan sa Department of Transportation habang P1 billion lamang ang nakalaan para sa mga mangingisda at magsasaka na idadaan sa Department of Agriculture.