Maglalaan ang pamahalaan ng nasa ₱7 billion para bumili ng bigas at mapalakas ang buffer stock sa susunod na taon.
Sa budget message ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso, sinabi nito na ang budget allocation ay mapupunta sa National Food Authority (NFA) para mapanatili ang stable rice supply sa panahon ng sakuna at kalamidad.
Ang NFA ay bibili ng 368,421 metric tons ng palay sa ilalim ng Buffer Stocking Program na gagamitin sa panahon ng kalamidad at sa mga hindi inaasahang pangyayari.
Ang rice procurement program ay bahagi ng proposed ₱142.5 billion allocation para sa agriculture at agrarian reform para sa 2021.
Nasa ₱66.4 billion ang ilalaan sa Department of Agriculture para mapaigting ang agricultural production ng mga magsasaka at mangingisda.
Nasa ₱10.3 billion ang ilalaan para sa konstruksyon, pagsasa-ayos at rehabilitasyon ng farm-to-market roads sa bansa.
Maglalaan naman ng ₱2.3 billion para sa pagtatayo ng post-harvest facilities at iba pang pasilidad pang-agrikultura.
Makatatanggap naman ng ₱5.2 billion ang Philippine Fisheries Development Authority para sa pagtatayo at pagsasa-ayos ng fish ports.
Ang National Irrigation Authority ay makatatanggap ng ₱31.5 billion para pag-develop ng irrigation systems sa bansa sa susunod na taon.