Nakumpiska nang pinagsanib pwersang Bureau of Customs (BOC) Intel and Investigation Service & Enforcement and Security Service at nga tauhan ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company “Seaborn” ang P7 million halaga ng ipinuslit na sigarilyo sa Zamboanga.
Sa impormasyong nakarating sa Kampo Krame, isinagawa ang operasyon sa karagatan ng Zamboanga kung saan naaresto ang limang suspek na sakay ng isang bangkang de motor.
Narekober sa mga ito ang kahon-kahong mga smuggled na sigarilyo.
Kinilala ang mga nahuling suspek na sina Alzhimeir Dasad Daud, ang kapitan ng banka; Arjhemer Jamad; Nelson Dammang; James Jaitulla; at Abdul Ajim Aras.
Kasunod nito, binabati ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., ang mga tauhan ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company, mga miyembro ng lokal na komunidad sa kanilang pagsusumbong sa pulis ng mga ilegal na aktibidad na naging dahilan sa matagumpay na operasyon ng mga awtoridad.