Pinapa-imbestigahan ni House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Rep. Raul Angelo “Jil” Bongalon ang P700 bilyong reserve fund at P500 bilyong investible fund ng Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth).
Ang hirit na imbestigasyon ni Bongalon ay kasunod ng pasya ng Kongreso na alisin sa 2025 national budget ang P74 bilyong premium subsidies ng Philhealth.
Giit ni Bongalon, kailangang silipin kung paano ginagamit ang pondo ng Philhealth sa gitna ng kabiguan nito na palawakin ang benepisyo o ibaba ang binabayarang premium ng mga miyembro kahit may malaki itong pondong hawak.
Binanggit din ni Bongalon na maraming ospital at doktor ang nagrereklamo dahil hindi sila kaagad nababayaran ng Philhealth.
Intresado din si Bongalon na malaman kung sino ang nakikinabang sa multi-bilyong pisong halaga ng investment ng Philhealth.