Manila, Philippines – Hinikayat ni Anakpawis Partylist Rep. Ariel Casilao si DOLE Sec. Silvestre Bello III na irekomenda na ang P750 national minimum wage para sa empleyado at manggagawa sa bansa.
Ito ay kasunod ng realization ni Bello na napakaliit ng inaprubahang P25 na dagdag sa arawang sahod sa NCR.
Paliwanag ni Casilao, asahan na aniya ang pagtaas pa rin ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa pagpapatupad ng 2nd tranche ng excise tax sa fuel.
Aniya pa, ang P25 wage hike ay hindi pa aabot pambili ng isang kilong NFA rice na P37.
Sinabi pa nito na ang isinusulong na P750 minimum wage ay para magbigay ng economic relief sa mga manggagawa sa bansa dahil sa matagal na panahon ay napagkaitan ang mga ito na makapamuhay ng disente.
Giit pa ni Casilao, hindi sapat ang pahayag ni Bello na na-realize nitong kulang pala ang inaprubahang wage hike kundi dapat ito ay aksyunan na agad ng kalihim.