Umabot sa P77.5 billion ang inilipat na pondo ng Kamara sa ilalim ng panukalang P5.268 trillion 2023 National Budget.
Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, inilipat ang nabanggit na pondo sa kalusugan, edukasyon, transportasyon at iba pang kritikal na social services.
Kasama sa napondohan ang UP-PGH, Cancer Assistance Program, at allowances ng health care at non-health care workers at frontliners gayundin ang dagdag na pension ng mga mahihirap na senior citizens; at ang Assistance to Individuals in Crisis Situations program.
Binigyan din ng Kamara ng pondo ang Special Education Program ng Department of Education at ng pagtatayo ng school buildings at classroom.
Naglipat din ng budget ang Kamara para mapondohan ang konstruksyon ng sariling gusali ng Commission on Elections, gayundin ang Libreng Sakay Program, fuel subsidy at bike lane program.
Nabigyan din ng alokasyon ang TESDA scholarship, Tulong Dunong Program ng Commission on Higher Education (CHED); ang livelihood and emergency employment programs ng Department of Labor and Employment at ang national broadband project ng Department of Information and Communications Technology.