Cauayan City, Isabela- Pormal nang ipinasakamay sa pamunuan ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang mahigit P79.5 milyong halaga ng TIKAS Project mula sa Department of National Defense at Department of Public Works and Highways (DND-DPWH).
Isinagawa ang inagurasyon at turn-over ceremony noong ika-8 ng Disyembre taong kasalukuyan sa Headquarters 502nd Infantry Brigade, Soyung, Echague, Isabela, at sa Headquarters 5ID, Camp Melchor F Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela.
Sa nasabing proyekto, mayroon ng apat (4) na gusali ang napatayo ng 502IBde na kinabibilangan ng isang dalawang-palapag na administration building na tinatayang nagkakahalaga ng P28 milyong piso na gagamitin bilang opisina at venue para sa pagpupulong at conference.
Ang isang gusali ay ang Barracks ng mga opisyal na nagkakahalaga ng P10.2 milyong piso na magsisilbi rin staff quarters at billeting para sa mga bagong talagang opisyal ng 502nd Brigade.
Naitayo rin sa loob ng kampo ng 502IB ang EP Barracks na nagkakahalaga naman ng P8.54 milyong piso na kayang mag-accommodate ng 30 na enlisted personnel.
Mayroon din napatayo ang Brigade na Student Barracks na nagkakahalaga ng P8.8 milyong piso at kaya namang tumanggap ng 28 katao na sasailalim sa pagsasanay.
Bukod dito, ipinasakamay rin sa 5ID ang isang multi-purpose building na nagkakahalaga ng P23.9 milyong piso para naman sa accommodation at malalaking aktibidad.
Pinasalamatan naman ni MGen Laurence E Mina, Commander ng 5ID ang DPWH at DND sa pagbibigay ng pondo para sa mga bagong gusali na gagamitin ng mga kasundaluhan para sa mas maayos na paggampan ng kanilang mga tungkulin at responsibilidad.