Nasamsam ng Philippine National Police (PNP) ang higit 85.8 milyong pisong halaga ng iligal na droga sa loob ng dalawang araw sa magkakahiwalay na operasyon ng mga kapulisan sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Batay sa impormasyong ibinahagi ni NCRPO Chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., mayroong 12.6 kilograms na shabu at 165 grams marijuana, na may estimated street value na PHP85,882,256 ang nakuha sa isinagawang operasyon mula ika-16 hanggang 17 ng Mayo.
Ang mga iligal na droga ay nasamsam sa magkakahiwalay na 31 operations at nagresulta sa pagkaka-aresto sa 51 suspek na sangkot kung saan ay haharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang mga operasyon ay isinagawa sa limang distrito sa ilalim ng NCRPO: Manila Police District (MPD), Quezon City Police District (QCPD), Northern Police District (NPD), Southern Police District (SPD), at Eastern Police District (EPD).