Aabot sa P9.3 billion na confidential at intelligence funds mula sa iba’t ibang ahensya ang nakapaloob sa 2023 national budget ang nais pabawasan ng oposisyon sa Senado.
Napuna ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa pagdinig ng 2023 budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang P100.6 million na hirit na confidential fund ng ahensya sa susunod na taon.
Ang Philippine National Police (PNP) na nasa ilalim ng DILG ay mayroon ding P806 million na hinihinging intelligence fund.
Paliwanag naman ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr., sa Senado, ang confidential fund ng ahensya ay gagamitin sa pagpapatuloy ng kampanya kontra iligal na droga, pangangalap ng impormasyon laban sa mga tiwaling uniformed personnel, pagbabantay sa mga lokal na opisyal na umano’y sangkot sa terorismo at insurgency at surveillance laban sa mga sindikatong sangkot sa economic sabotage.
Umapela naman si Pimentel na kung maaari ay bawasan ang confidential intelligence funds lalo pa’t ikinakatwiran palagi ng gobyerno na limitado lang ang ating fiscal space at maraming ahensya ang nangangailangan ng dagdag na pondo.
Humingi naman ng pangunawa si Abalos sa mga senador na ang kanilang hinihinging intel funds ay dahil malalaki at mga bilyonaryong sindikato at drug pushers ang kanilang kalaban at binabantayan.
Maliban sa DILG ang Office of the Vice President (OVP) ay may request din na P500 million na confidential funds habang ang Department of Education (DepEd) ay P150 million naman ang hiling na intel funds.