Plano ng Kamara at Senado na paglaanan ng P90 billion na alokasyon ang Special Risk Allowance (SRA) ng healthcare workers para sa taong 2022.
Sa pagtalakay ng Bicameral conference committee kahapon sa P5.024 trillion na 2022 General Appropriations Bill (GAB), sinabi ni Appropriations Committee Chairman Eric Yap na dahil magkaiba ang bersyon ng dalawang kapulungan, target nila sa kongreso na magkasundo sa P90 billion na pondo para sa SRA sa ilalim ng programmed funds.
Punto ni Yap, mahalagang mabigyan ng sapat na benepisyo ang mga medical at healthcare workers lalo’t hindi pa naman natatapos ang laban ng bansa sa pandemya at ngayon ay sinabayan pa ito ng panibagong banta ng Omicron variant.
Dahil dito, isa ito sa mga pangunahing “conflicting provisions” na kanilang paplantsahin sa bicam sa susunod pang tatlong araw.
Kung maaalala aniya ay walang alokasyon ang Department of Health (DOH) para sa SRA ng mga healthcare worker sa ilalim ng 2022 National Expenditure Program (NEP).
Maliban pa sa SRA ay prayoridad din ang mga ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS program at ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD.