Hindi pa binabayaran ng Commission on Elections (COMELEC) ang P90 milyon sa Smartmatic dahil sa umano’y data breach na konektado sa isa sa mga kontraktuwal na empleyado nito.
Ayon kay COMELEC Chairman Saidamen Pangarungan, hindi pa niya nilalagdaan ang pagpapalabas ng P90 million na kabayaran sa Smartmatic.
Aniya, ilalabas lang ng COMELEC ang nasabing pondo kapag napatunayang inosente ang Smartmatic sa paglabas ng data nito.
Sinabi naman ni Smartmatic Legal Officer Christian Lim na patuloy ang kanilang kooperasyon sa poll body hinggil sa isyung ito.
Nauna nang inanunsyo ng COMELEC noong Mayo 2021 na iginawad sa joint venture ng Smartmatic USA Corporation at Smartmatic Philippines ang P402.7 million na kontrata para ibigay ang software na gagamitin sa halalan sa Mayo 9.