Papayagan ang mga kaanak ng mga inmate sa New Bilibid Prisons (NBP) na magdala ng pagkain at pera sa kanilang mga kamag-anak simula ngayong araw December 24 hanggang sa katapusan ng taon.
Nabatid na ipinagbawal ang ‘paabot’ dahil sa COVID-19 outbreak.
Ayon kay Bureau of Corrections (BUCOR) Spokesperson Gabriel Chaclag, napagdesisyunan nilang gawing araw-araw ang ‘paabot’ ngayong holiday season.
Pagtitiyak din ni Chaclag na nasusunod ang health protocols at ang lahat ng nagpapaabot ay kinukuhanan ng contact details.
Ang mga kamag-anak ng inmates ay maaaring magdala ng lutong ulam na hindi hihigit sa limang kilo at pera na aabot sa 2,000 pesos.
Ang pagbisita sa mga inmates ay nananatiling bawal pero pinapayagan pa ring makausap ng mga kaanak ang kanilang mahal sa buhay na nakakulong sa pamamagitan ng ‘e-kumustahan.’