Manila, Philippines – Nagpalala ang Commission on Election (COMELEC) sa mga botante para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ayon sa COMELEC, manu-mano ang botohan sa Barangay at SK at sulat-kamay ang pagtatala ng mga kandidatong napili ng isang botante.
Dalawang balota ang matatanggap ng mga botanteng edad 18 hanggang 30 dahil pareho silang boboto para sa Barangay at SK.
Balota naman para sa SK lang ang matatanggap ng mga botanteng edad 15 hanggang 17 habang barangay ballot lang ang mabibigay sa may edad 31 pataas.
Maaaring iboto ang isang punong barangay, pitong barangay kagawad, isang SK chairperson at pitong SK kagawad.
Ipinaliwanag din ng COMELEC na petsang “October 2017” ang nakaimprenta sa mga balotang gagamitin sa Luzon at Visayas dahil ito ang mga balotang na-print bago pa maantala ang Barangay at SK Elections noong 2017.
Kabilang naman sa mga ipinagbabawal sa mismong araw ng halalan:
• Ang pangangampanya ng mga kandidato
• Pagbenta o pagbili ng boto
• Pagbenta ng mga merchandise o inumin sa layong 30 metro mula sa polling place
• Pamimigay o pagtanggap ng libreng sakay, pagkain, inumin at iba pa
• Pagbebenta, pagbili, at pagsilbi ng alak
• Pagdaraos ng mga sugal na laro gaya ng sabong at horse race
• Pag-substitute ng isang botante sa iba
• Bumoto ng higit isang beses
• Pagsira o pagtangay ng mga dokumentong may kinalaman sa halalan