PAALALA | Dagdag-singil sa tubig, sasalubong sa mga konsyumer sa bagong taon

Manila, Philippines – Panibagong dagdag bayarin ang sasalubong sa mga konsyumer pagpasok ng bagong taon.

Maliban kasi sa dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo dahil sa ikalawang bugso ng fuel excise tax, magpapatupad din ng dagdag-singil sa tubig ang Maynilad at Manila Water.

Kamakailan lang, inaprubahan na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) para sa unang quarter ng 2018 na pababa kumpara nitong huling quarter.


Ang FCDA ay konektado sa mga utang ng mga concessionaire na nasa US dollar, Yen at Euro.

Pero ayon kay MWSS Chief Regulator Atty. Patrick Ty – kasabay nito ay naaprubahan din ang adjustment dahil sa inflation na mas malaki kaysa sa FCDA.

Kaya ang resulta, tataas nang piso hanggang P1.50 ang singil sa tubig ng Maynilad at Manila Water.

Dismayado naman si Laban Konsyumer President Atty. Vic Dimagiba dahil sa kabila ng sunod-sunod na rollback sa langis, hindi man lang naramdaman ng mga konsyumer ang pagbaba ng mga gastusin.

Sa weekend na ipa-publish ang pagbabago sa bayarin ng tubig kaya pagsapit ng January 1, 2019, papatak na sa bill ang dagdag-singil.

Facebook Comments