Manila, Philippines – Dahil sa tindi ng init ng panahon, muling nagbabala ang Department of Health sa paglaganap ng mga sakit.
Sa interview ng RMN Manila kay DOH Spokesman Asec. Lyndon Lee Suy – uso ngayon ang mga sakit sa balat gaya ng bungang-araw na dulot ng pagpapawis, sunburn, at pati na fungal infections gaya ng hadhad, buni at an-an na madaling kumalat sa balat.
Madali rin aniya ang pagkalat ng bulutong at tigdas na nakakahawa.
Babala pa ni Lee Suy, delikado rin tuwing mainit ang panahon ang ma-dehydrate na pwedeng mauwi sa heatstroke, na nakamamatay kapag hindi naagapan.
Kaugnay nito, nagpalabas naman ang US embassy ng health alert kaugnay sa outbreak ng tigdas sa ilang bahagi ng Pilipinas.
Sa abiso ng embahada, pinatitiyak sa mga US citizens na narito at papunta sa bansa na may bakuna sila kontra tigdas at umiwas sa matataong lugar.
Una nang nagdeklara ng measles outbreak sa ilang lungsod at bayan sa Negros Oriental; isang barangay sa Taguig; Zamboanga City at Davao City.