Manila, Philippines – Muling pinaalalahanan ni LTOP National President Orlando Marquez ang mga driver ng pampasaherong jeep na huwag muna silang maningil ng 10 piso hanggat wala pa silang nakukuhang fare matrix o taripa mula sa LTFRB.
Ayon kay Marquez, kinakailangan munang magbayad ng 570 pesos para makakuha ng taripa sa LTFRB bago sila makasingil na 10 pisong minimum na pasahe sa Metro Manila.
Paliwanag ni Marquez natutuwa sila at napakinggan na rin ng LTFRB ang matagal na nilang inihihirit sa ahensiya dahil sa mga nagsisitaasang bilihin sa mga palengke.
Giit pa ni Marquez mayroong karapatan ang mga pasahero na i-report sa LTFRB kapag naniningil ang mga tsuper ng jeep ng 10 piso na walang taripa na nakasabit sa loob ng kanilang jeep.
Umaasa si Marquez na walang mangyayaring kalituhan sa pagitan ng mga pasahero at tsuper kaugnay sa dagdag singil ng pasahe.