PAALALA | Mga Pinoy sa France pinag-iingat dahil sa pagtaas ng kaso ng pagnanakaw

France – Pinapayuhan ng Embahada ng Pilipinas sa France ang mga Pilipino na magtutungo o pupunta sa Paris na maging mag-ingat dahil sa pagtaas ng mga insidente ng break-ins, robberies, at pickpocketing sa lungsod.

Bukod pa rito, ang serye ng insidente ng terorismo sa nakalipas na tatlong taon (ang pinakahuli ay noong Mayo 12, 2018) nangangailangan ng ibayong pag-iingat ng mga Pilipino na maglalakbay, magpupunta sa Paris.

Kasunod nito hinihimok ng Embahada ang mga Pilipino na sundin ang listahan ng mga safety guidelines kabilang na dito ang palaging i-secure ang mga personal na gamit tulad ng mga bag, wallet, phone at iba pang mga personal na item kapag bumibisita sa mga tourist spot, naglalakad at nakasakay sa pampublikong transportasyon.


Mag-ingat sa mga pickpocket o mandurukot, laganap ito sa metro stations, trains at maging sa mga shopping areas.

Paghiwalayin ang iyong pasaporte at identification card sa loob ng iyong bag, upang mabawasan ang panganib na mawala ang parehong identity documents.

Pinag-iingat din ang mga Pilipino sa mga tinatawag na “hotel rats,” o mga scam artist na nagpapanggap na mga hotel guests o turista, target na nakawin ang inyong mga bagahe sa hotel lobby o di kaya ay looban ang inyong hotel room.

Huwag magdala ng maraming pera, karamihan sa mga tindahan ay tumatanggap ng mga card. Dapat takpan ng kamay ang iyong card, kapag nag-type ng pin.

Maging alerto at mapagbantay kapag bumibisita sa iba’t-ibang lugar sa France.

Siguraduhing sundin ang mga tagubilin ng mga police at military personnel sa kaso ng anumang insidente.

Mag-update sa mga balita, iwasan ang pagpunta sa mga lugar na idineklara na hindi ligtas o may banta ng terorismo.

Kung kinakailangan ang agarang na tulong, maaaring tawagan ng mga Pilipino ang 24/7 hotline ng embahada sa +33 6 20 59 25 15.

Facebook Comments