PAALALA | MMDA, muling ipinaalala ang pagpapatupad sa susunod na buwan ng provincial buses ban sa Edsa

Manila, Philippines – Muling nagpaalala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na epektibo na sa Agosto 1 ang pagbabawal sa mga provincial bus sa Edsa tuwing rush hour.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, batay sa kanilang pag-aaral, 10 porsiyento lang ng mga pasahero mula sa timog at hilaga ng Edsa ang maapektuhan nito.

Sa ilalim ng patakaran, hindi makatatawid ang mga provincial bus sa Edsa mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-10 ng umaga at mula alas-sais ng gabi hanggang alas-10 ng gabi.


Hanggang Pasay lang pahihintulutang bumiyahe ang mga bus na magmumula sa timog ng Edsa habang hanggang Cubao na lang ang mga galing norte.

Paglilinaw pa ni Garcia, walang alternatibong rutang ipatutupad sa mga provincial bus kapag naging epektibo ang ban.

Aniya, magkakalituhan pa sa trapiko kapag pinadaan ang mga provincial bus sa mga side street.

Maliban rito, sabi pa ni Garcia, target rin nilang alisin ang higit 40 bus terminal sa Edsa na nagiging sanhi ng pagsikip ng trapiko.

Facebook Comments