Manila, Philippines – Nagbigay ng paalala si PNP Chief Police Director General Ronald Bato Dela Rosa ang mga pulis na maging maingat sa mga detalye ng isinasampang kaso.
Ginawa ni Dela Rosa ang paalala matapos ang pagakakabasura sa kaso laban sa suspected Egyptian terrorist na si Fehmi Lassqued at posible rin hindi paburan ng korte ang kanilang inihaing motion for reconsideration.
Ayon kay Dela Rosa, technicality lang ang naging dahilan kung bakit nakalusot sa kaso ang suspected international terrorist, matapos mapatunayan ng depensa na sa Makati pala at hindi sa Maynila inaresto ang suspek.
Sinabi ni Dela Rosa na hindi naman niya masisisi ang mga imbestigador na maaring hindi pamilyar sa eksaktong boundary ng Manila at Makati dahil nasa boundary ang lugar kung saan naaresto ang suspek.
Ayon kay Dela Rosa, minsan kasi ay sa pagmamadali ng mga imbestigador na maisampa ang kaso para hindi sila maakusahan ng arbitrary detention, hindi na napapansin ang mga detalyeng ganito.
Ayon sa PNP Chief, bagamat frustrated siya sa nangyari, ang magagawa niya nalang ay payuhan ang mga pulis na tiyaking hindi sila mabubutasan sa mga detalye ng kasong isinasampa nila.
Suhestyun pa ni PNP Chief sa mga imbestigador na kumuha ng serbisyo ng abugado sa paghahanda ng kanilang kaso para masiguro na air-tight ang kaso laban sa mga suspek.