Paano mapapanatiling virus-free ang bahay sa gitna ng COVID-19 pandemic

Simula nang lumobo ang kaso ng COVID-19 o respiratory disease na dulot ng bagong coronavirus (SARS-CoV-2), paulit-ulit na pinapaalala ng health department at World Health Organization na ugaliin ang paghuhugas ng kamay at iwasang humawak sa mukha.

Ngunit hindi lamang sarili ang dapat linisin, kundi pati na rin ang mga gamit sa bahay na maaaring pamahayan ng virus.

Nagmumula kasi ang virus sa droplets na mula sa bahing o ubo ng infected na indibidwal, na ‘pag napunta sa isang bagay at nahawakan ng iba ay maaaring makahawa.


Upang mapanatiling virus-free ang mga tahanan, ugaliing maglinis at mag-disinfect, lalo na kung nanggaling sa labas o mayroong ibang taong pumasok.

Pagtuunan ng pansin ang mga gamit na laging hinahawakan

Nadiskubre sa pag-aaral na kayang mabuhay ng novel coronavirus sa mga bagay tulad ng karton nang 24 oras, at dalawa hanggang tatlong araw naman sa mga plastic at stainless steel.

Kaya makabubuti ang paglilinis at pag-disinfect araw-araw ng mga gamit gaya ng:

  • Doorknob at lock ng pinto
  • Cabinet handle
  • Electronic switches
  • Lababo
  • Gripo at pihitan nito
  • Toilet seat
  • Remote
  • Keyboard, mouse
  • Cellphone

Dapat ding maintindihan na ang paglilinis ay simpleng pag-aalis lang ng germs at dumi sa isang bagay, kaya mas mainam na samahan ito ng pag-disinfect o ang tuluyang pagpatay sa germs sa pamamagitan ng mga kemikal.

Unahing punasan ng tubig at sabon ang maruruming gamit o lugar, saka bugahan o lagyan ng disinfectant.

Mga maaaring gamiting disinfectant

  • Alohol na 70% solution
  • Bleach solution
    • Maaaring paghaluin ang 5 kutsara (1/3 cup) ng bleach at isang galon ng tubig o
    • 4 kutsarita ng bleach sa 1 quart ng tubig

Marami ring puwedeng mabiling aprubadong household cleaners and disinfectants sa supermarket.

Mahalaga lamang na siguraduhing hindi pa ito expired at sundin ang instructions sa label upang masigurong epektibo ang produkto.

 

(Sources: New England Journal of Medicine, Centers for Disease Control and Prevention, Good Housekeeping)

Facebook Comments