Paano protektahan ang mga bata online sa tulong ng MakeITsafe.ph website ng Globe

Bilang suporta sa pananatili ng mental wellness ng mga kabataan, nakatuon ang pansin ng Globe sa mga hinaharap na hamon ng mga batang Pinoy online gaya ng cyberbullying.

Kadalasang sinasarili ng mga bata ang nararanasan nilang pangbu-bully sa internet. Dahil dito, gumagawa ng paraan ang Globe para mabigyan ng karagdagang kaalaman ang mga magulang at tagapag-alaga na malunasan ang lumalaganap na suliraning ito na nakaaapekto sa mental health ng mga biktima.

Nakipag-ugnayan din ang Globe sa KonsultaMD para sa isang libreng konsultasyon sa mental health professional. Maaari itong makuha gamit ang code na MAKEITSAFEPH sa KonsultaMD app.


Para malabanan ang cyberbullying at maprotektahan ang mental health ng mga bata, naglagay ang Globe ng mga gabay sa  MakeITSafe.PH.

Makikita sa site na ito ang “A to Zs of cyberbullying” glossary para maintindihan ng mga magulang ang mga kasalukuyang ginagamit na salita at emoji ng mga kabataan.  Sa pamamagitan nito, mas madali nilang mapapansin kung ang mga bata ay binu-bully o sinasaktan online.

Isang halimbawa ay ang fairy emoji na nangangahulugan na may hindi magandang bagay na sasabihin sa chat.

Mayroon ding chatbot ang site na nasa Globe Bridging Communities Facebook Page.  Mahigit 30,400 beses na itong nabisita mula nang inilunsad noong July.

Nakipag-partner din ang Globe sa dalawang popular na Facebook parenting communities, ang Glam-o-Mamas at Usapang Nanay para mapag-usapan ang tungkol sa pananatiling ligtas ng mga bata online at ang kaugnayan nito sa kanilang digital wellness at mental health.

“Nagsisikap ang Globe na gawing ligtas ang digital space para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtataguyod ng Tech4Good. Hinihimok namin ang mga magulang at tagapag-alaga na maging tagapagtanggol ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagtuturo kung paano sila magiging ligtas at responsable habang gumagamit ng internet,” pahayag ni Yoly Crisanto, Globe Group Chief Sustainability at Corporate Communications Officer.

Marami ang hindi nakakaalam na may mga bahagi ng bansa na 60-80% sa mga batang edad 12-16 ang nakaranas na ng cyber violence batay sa isang pagsusuri na ginawa ng Stairway Foundation noong 2015.

Ayon kay KonsultaMD psychologist na si Dr. Mec Perez, kabilang sa cyberbullying ang mga bastos at hateful na meme at komento, mga tsismis na nagdudulot ng sakit at kahihiyan, mga banta ng pisikal na pananakit at paglalantad ng pribadong impormasyon, at mga gawaing nagtutulak sa mga tao na magpakamatay.

Dahil ang mga ganitong insidente ay maaaring lumikha ng pangmatagalang emosyonal at sikolohikal na epekto, binigyang diin ng Globe na dapat magsimula sa tahanan ang pagtuturo tungkol sa online na kaligtasan at responsibilidad. Kailangang ihanda ng mga magulang ang kanilang mga anak at turuan sila kung paano tutugon nang positibo kung mangyari ito.

Sa webinar na “The Family as the Safety Net” ng Globe at KonsultaMD, sinabi ng KonsultaMD Counselor at Psychologist na si Dr. Francine Bofil na ang cyberbullying ay maaaring magresulta sa mababang pagpapahalaga sa sarili na humahantong naman sa kalungkutan. Ang mga biktima ay maaari ding mawalan ng motibasyon at magtangkang saktan ang sarili.

“Nakakabahala na as parents, ginagawa natin ang lahat para maprotektahan ang ating mga anak pero hindi natin sila napoprotektahan sa mga online dangers na ito,” pahayag ni broadcast journalist Niña Corpuz sa isa pang online safety webinar na inorganisa ng Globe at KonsultaMD kasama ang Usapang Nanay.

“Maraming magulang at caregivers ang hindi aware sa impact ng cyberbullying sa ating kabataan. Madalas binabale-wala pa natin. Patnubay po natin ang kailangan. Tayo po ang susi sa online safety ng kabataan. Listen to what our children are not saying,” sabi naman ni Chuckie Dreyfus, isang aktor at ama.

Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa mga pagsisikap ng Globe tungkol sa online safety, bisitahin ang https://www.makeitsafe.ph/.

Facebook Comments