Pabago-bagong presyo ng bigas sa ilang pamilihan, itinuturing na krisis ng ilang retailers

Krisis kung ituring ng ilang retailers ang pabago-bagong presyo ng bigas sa merkado.

Una rito, sinabi ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na tuluy-tuloy na ang pagbaba ng presyo ng bigas dahil sa pagbaba rin ng presyo sa world market at sa nalalapit na anihan sa bansa.

Pero sinopla ito ng grupong Bantay Bigas at sinabing mataas pa rin ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.


Sa pag-iikot ng RMN Manila sa ilang pamilihan sa Metro Manila, sinabi ni Remedios Peralta, retailer ng bigas sa Taguig Mercato na hindi stable o pabago-bago ang presyo ng bigas na minsan ay mataas at minsan ay mababa.

Aniya, ito ang dahilan kung bakit naguguluhan ang mga mamimili na siyang nagiging dahilan kung bakit matumal ang bentahan nito sa merkado.

Sa ngayon, naglalaro pa rin ang presyo ng lokal na bigas sa ₱50 hanggang ₱66 sa kada kilo habang ang imported naman ay naglalaro ang presyo sa ₱50 hanggang ₱60 kada kilo.

Facebook Comments