Pinapaimbestigahan ni Kabayan Partylist Rep. Ron Salo ang umano’y “flip-flopping” o pabago-bagong protocols sa testing at quarantine na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Inaatasan ni Salo sa inihaing House Resolution 1650 ang Committee on Health at Committee on Overseas Workers Affairs na magsagawa ng pagsisiyasat “in aid of legislation” patungkol sa madalas na pabago-bagong testing at quarantine protocols ng IATF para sa mga taong pumapasok sa bansa lalo na ang mga pauwing OFWs.
Ayon kay Salo, batid niya na ginagawa naman ng administrasyong Duterte ang lahat ng hakbang para matugunan ang COVID-19 crisis tulad ng agad na pagdedeklara ng state of public health emergency sa buong bansa, pagsasailalim sa buong Luzon sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) at pagsasailalim sa buong bansa sa state of calamity noong nakaraang taon.
Magkagayunman, napuna ng kongresista ang aniya’y paiba-iba at madalas na magkakasalungat na mga protocols ng IATF, partikular na sa testing at quarantine process na lalong nagpalito at nagpahirap sa mga Pilipino, lalo na sa mga pabalik na OFWs.
Giit ni Salo, kailangang magkaroon ng linaw hinggil sa testing at quarantine protocols at kung posible ay mai-streamlime o maglatag ng uniform protocols.
Umapela rin ang kongresista na pa-simplehin o padaliin ang mga protocols habang tinitiyak naman ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum health standards.