Cauayan City, Isabela- Nakipagdayalogo na ang National Housing Authority (NHA) sa pamunuan ng 95th Infantry Battalion upang pag-usapan ang itatayong pabahay ng mga dating rebelde sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration program (E-CLIP) ng pamahalaan.
Suportado naman ng pinuno ng 95th IB na si LTC Lemuel Baduya ang pagpapatayo ng pabahay para sa mga Former Rebels na matatagpuan sa Brgy Minanga, San Mariano, Isabela.
Sa mensahe ni LTC Baduya, bayanihan ang magiging puhunan para maitayo ang mga bahay katuwang ang mga nagbalik-loob, kasundaluhan, NHA at ang lokal na pamahalaan upang maiparamdam sa mga dating rebelde na sila ay mahalaga at parte ng lipunan.
Layunin ng nasabing programa na matugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga dating rebelde gaya ng bahay, Edukasyon, pangkabuhayan at kaalaman na mag-aangat ng kanilang pamumuhay.
Samantala, patuloy pa rin ang panawagan ng SALAKNIB Battalion sa mga natitira pang miyembro ng New People’s Army (NPA) na bumaba na at huwag matakot sumuko dahil bukas umano ang pintuan ng kasundaluhan para sa kanilang pagbabagong buhay.